Arestado ang isang pastora dahil sa pagsasagawa umano ng illegal recruitment sa kanilang mga miyembro pagkatapos ng kanilang Sunday service sa isang kapilya sa Baras, Rizal. Depensa ng pastora, parte ng gawain sa simbahan ang alok na biyahe abroad.Sa ulat ni Raffy Tima sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang pagpasok ng mga kawani ng Department of Migrant Workers (DMW) at National Bureau of Investigation (NBI) sa kapilya na hawak ang isang closure order.Maliban sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos, nagsasagawa rin umano ng illegal recruitment operation ang nadakip na pastora.“Pagkatapos po magsimba, after po ng Sunday service, nag-o-orient po siya na, 'yun nga po, nag-o-offer siya na pupunta raw po sa Japan, pero tourist visa lang po. Pero nangangako po siya sa amin na pagdating sa Japan, may trabaho po kaming dadatnan doon at ang sahod po namin is P70,000 to P100,000,” sabi ni alyas “Jess,” biktima ng illegal recruitment.Nagbayad umano ang mga complainant ng tig-P40,000 hanggang P60,000 ngunit pawang peke umano ang kanilang mga dokumento.“Noong pumunta po kami sa airport, 27 po kami lahat. 'yung 11 po, pinauwi niya kasi sabi po niya, wala na raw pong ma-slot para sa ticket. So, 16 po kami natira. So, 16 po kami na-offload. Naharang po kami sa immigration,” sabi ni alyas “Jess.”Paliwanag ng suspek, parte ng kanilang church activity ang alok na biyahe.“Sir, 'yung offer sa amin na ‘yun, during sa church, sabi namin kung sino lang 'yung willing, take it or leave it, kasi ito, 'yung sa pag-travel namin, meron lang offer. Ito po, ito po sila na nagbigay po ng contribution, nakalagay naman po roon roundtrip ticket nila bilang turista,” sabi ng pastora.May ilang napalipad naman umano ang pastora patungong Macau pero kaniya-kaniyang hanap ng trabaho ang mga na-recruit pagdating sa bansa.Pinag-aralang mabuti ng DMW ang kaso bago isagawa ang raid, dahil ginagamit ng suspek ang simbahan bilang front umano sa recruitment.“Noong makarating sa amin ang balita, vinalidate namin nang ilang beses. Ayaw nating may masira. Pero isa itong kapilya at sa kasamaang palad ang una nilang mga naloko at nabiktima ay 'yung mga kapwa nila parishioners, 'yung mga miyembro mismo ang nagsumbong,” sabi ni DMW Undersecretary Bernard Olalia. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News