Isang lalaki na nakatali sa poste ng kuryente ang nakitang patay sa Aloguinsan, Cebu.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing nakita ang bangkay ng lalaki kaninang madaling araw.

Nakatali ang mga kamay ng biktima, may takip ng damit ang mukha, nakahubad, at nakasuot ng short na itim.

May nakita ring papel na nakadikit sa poste na may nakasaad na: ‘Wag tularan, drug pusher ko.”

Hinala ng pulisya, pinatay sa ibang lugar ang biktima at saka dinala at itinali kung saan ito nakita sa Barangay Punay.

Ayon pa sa pulisya, may mga sugat ang biktima pero hindi pa matiyak kung saksak o tama ng bala ng baril.

May nakita ring mga paso sa kaniyang katawan.

Inihayag din ng awtoridad na may kapamilya umano ng biktima na kumilala sa lalaki, at sinasabing 24-anyos ito, at residente ang biktima sa bayan ng San Fernando.

Naniniwala rin si Police Captain Blane Dunn Tabares, spokesperson ng Cebu Police Provincial Office, na posibleng pinahirapan din ng salarin ang biktima.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.  -- FRJ, GMA Integrated News