Binaril at pinatay sa loob ng kaniyang bahay ang dating alkalde ng Kalibo, Aklan at veteran journalist na si Juan "Johnny" Dayang, 89-anyos.

Sa pahayag na inilabas ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) na pinamumunuan ni Executive Director at Undersecretary Jose "Joe" Torres Jr., sinabing nangyari ang krimen nitong Martes ng gabi.

Batay sa paunang imbestigasyon, binaril ang biktima ng isang salarin dakong 8 p.m. Dinala ang biktima sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) para alamin ang motibo at pagkakakilanlan ng nakatakas na salarin.

“We are closely coordinating with all concerned agencies to ensure the immediate resolution of this case,” ayon kay Torres.

“We stand in solidarity with the media community as we mourn the passing of Mr. Dayang, a figure regarded as a pillar of Philippine journalism whose contributions greatly enriched our democratic discourse,” dagdag niya.

Isang beteranong mamamahayag si Dayang, at nagsisilbing president emeritus ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI).

“His legacy will continue to inspire future generations of journalists in their pursuit of truth and justice,” saad ni Torres na nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ni Dayang. -- FRJ, GMA Integrated News