Natangay ng isang lalaki ang aabot sa P100,000 halaga ng pera at gamit matapos ilang beses manalisi sa isang delivery truck sa Antipolo City. Ang arestadong suspek, umaming nagnakaw dahil wala umanong trabaho.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV ang isang lalaking nagbukas ng pintuan ng driver's seat sa loob ng isang delivery truck umaga ng Martes sa Barangay Mayamot.
May kinuhang gamit sa upuan at bag ang lalaki, bago niya isinara ang pinto.
Ilang saglit pa, bumalik ang lalaki na tila may hinahanap.
Napag-alamang hindi driver o pahinante ng truck kundi isang magnanakaw pala ang lalaki.
Sa pangatlong balik ng lalaki, binuksan naman niya ang compartment at may kinuha ring mga gamit.
Batay sa pulisya, nagpark lang saglit ang pahinante ng truck malapit sa tindahan kung saan sila nag-deliver nang maganap ang pananalisi.
Kabilang sa mga nakuha ang ilang personal na gamit at perang nakolekta ng pahinante mula sa mga pinuntahang sari-sari store na nagkakahalaga ng halos P100,000.
Nadakip sa follow-up operation ang suspek na si alyas “Chris,” 39 anyos, na umamin sa pagnanakaw.
“Wala kasi akong trabaho eh kaya ‘yan ang ginagawa ko. Para makaraos kami ng anak ko. Noong una kasi may nakuha akong barya. O ‘yun, sinubukan ko ulit. ‘Di ko talaga alam na may pera ‘yun. Nalaman ko na lang po nu’ng nabuksan,” sabi ni alyas “Chris.”
Ayon sa pulisya, nabawi nila ang humigit kumulang P100,000 na pera at ilan pang nakaw na gamit ng suspek.
Nahaharap sa kasong theft ang suspek na nakadetene sa custodial facility ng Antipolo Component City Police Station. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
