Nakagat ng isang aso na nagpositibo kalaunan sa rabies ang apat na magkakaanak sa Barangay Mintal, Davao City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing agad namang nakapagpabakuna kontra rabies ang mga biktima kahit na hindi pa lumalabas ang pagsusuri sa aso.

Nagsagawa rin ang veterinarian's office ng lungsod ng pagpapabakuna sa mga aso sa lugar.

Nagpaalala ang mga awtoridad na magpakonsulta agad sa mga animal bite treatment center kapag nakagat ng aso kahit pa bakunado ito.

Iwasan ding maging kampante kahit pa nakagat ng sariling alaga dahil posibleng nahawa pa rin ito sa ibang hayop. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News