Nasawi ang isang lalaking nag-amok umano at nakabaril ng isang babae nang rumesponde ang isang tanod at maagaw ang kaniyang baril sa Cauayan, Negros Occidental.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nasa kalagitnaan ng pagdiriwang ng pista sa Barangay Inayawan noon nang magpaputok ng baril ang lalaki, base sa imbestigasyon.

Dahil dito, tinamaan ng bala mula sa kaniyang baril ang isang babae.

Ngunit naagaw ng rumespondeng barangay tanod ang baril saka niya ilang beses na binaril ang lalaki.

Agad nasawi ang lalaki matapos magtamo ng tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Sa kaniyang ginawa, tumakas ang tanod at hinahanap siya ng mga awtoridad. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News