Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang isang guwardiya matapos niyang barilin ang dalawa katao na pumasok sa binabantayan niyang kompanya sa Tagoloan, Misamis Oriental. Ang isa sa mga biktima, nasawi.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, lumabas sa imbestigasyon na namataan ng guwardiyang suspek ang isang lalaki at isang kasama na nasa seaport sa loob ng pinagtatrabahuhan niyang steel company.

Walang linaw kung bakit naroon ang dalawa.

Dahil dito, binaril sila ng suspek sa hindi pa matukoy na dahilan.

Nasapul ang isa sa kanang bahagi ng katawan na kaniyang ikinamatay.

Kalaunan, sumuko ang suspek.

Sinusubukan ng GMA Regional TV na makunan siya ng pahayag, samantalang narekober ang shotgun na ginamit sa pamamaril.

Sinampahan na ang suspek ng reklamong homicide.  — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News