Isa ang nasawi, at apat ang sugatan nang magkabanggaan ang isang sports utility vehicle (SUV) at isang pickup truck national highway sa Surallah, South Cotabato sa kasagsagan ng ulan.Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, inihayag ng pulisya na nawalan umano ng kontrol ang driver ng SUV dahil sa madulas na kalsada at bumangga sa pickup truck.“Malakas ang ulan sa amin. Nag-swerve siya at pumunta sa kabilang lane based sa investigation due to weather condition kasi mas madulas yung daan and nabangga siya ng vehicle 1, yung pick up,” ayon kay Surallah Municipal Police Station Traffic Investigator, Police Master Sergeant John Mark Rendaje.Nasawi sa sakuna ang 54-anyos na driver ng SUV na hindi na umabot nang buhay sa pagamutan.Sugatan naman ang 19-anyos na driver ng pickup truck at tatlong pasahero.Sinubukan pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang magkabilang panig, ayon sa ulat.Patuloy pa ang imbestigasyon, at hinihintay din ang pasya ng magkabilang panig kaugnay sa nangyaring trahediya. --FRJ, GMA Integrated News