Patay ang isang lalaking tauhan ng peryahan na natutulog matapos matabunan ng landslide ang lugar sa Tupi, South Cotabato.

Sa ulat ng State of the Nation, mapanonood ang isang video kung saan maririnig ang matinding iyakan at sigawan samantalang sinasagip ang biktima.

Batay sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, natutulog noon ang lalaki sa isa nilang kubo nang gumuho ang lupa.

Tinangkang hukayin ang lalaki gamit ang backhoe.

Dinala sa ospital ang natabunang lalaki ngunit binawian din ng buhay kalaunan.

Posibleng lumambot ang lupa sa gilid ng bundok dulot ng pag-ulan. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News