Naaresto ang isang 16-anyos na binatilyo na suspek sa tangkang pagnanakaw at pagpatay sa isang 20-anyos na lalaki sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal. Ang suspek, nakitaan pa ng baril nang hulihin.
Batay sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, dinakip ang binatilyo bandang 6:45 p.m. noong Pebrero 13, Biyernes.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagsasagawa noon ng surveillance at follow-up investigation ang kapulisan nang makasalubong umano nila ang suspek.
“Ang baril ay naobserbahan ng arresting officer matapos makuha ng suspek ang isang bagay mula sa kanyang bulsa. Nagresulta iyon sa pagkakaaresto sa suspek at pagkakakumpiska ng isang kalibre 45 pistol (Colt) na may serial number 359554, kargado ng tatlong live ammunition at isang magazine,” saad sa ulat.
Lumabas sa beripikasyon na ang naarestong suspek ay siya ring kaparehong indibiduwal na sangkot sa isang tangkang pagnanakaw at pagpatay kay alyas “Kirby” 1:30 a.m. noong Pebrero 8, 2026, sa kahabaan ng Barangay San Jose.
Si alyas “Kirby” ay 20 taong gulang, binata, crew member at residente ng Commonwealth, Quezon City.
Isinailalim ang suspek sa pisikal at medikal na pagsusuri bago inihabilin sa Rodriguez Municipal Social Welfare and Development para sa tamang disposisyon.
“Inihahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kaniya,” ayon sa Rodriguez Police. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News

