Malubhang nasugatan at kinailangang operahan ang isang lalaki matapos siyang hampasin ng maso ng mga nakaalitan niya sa bilyaran sa Consolacion, Cebu.Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita sa video footage sa loob ng bilyaran noong Sabado na tumakbo ang biktima at nakasunod sa kaniya ang mga salarin.Nang abutan ng dalawang suspek ang biktima, hinataw siya ng maso at iniwan na nakahandusay.Ayon kay Consolacion Police Deputy Chief for Operations Police Lt. Harren Ralph Dunton, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang biktima at mga suspek dahil sa pustahan sa bilyar, hanggang sa nauwi sa sakitan.Nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang biktima na kinailangang operahan. Patuloy namang hinahanap ang dalawang salarin.Ang isa sa mga suspek, nakaalis na umano papunta sa Negros Occidental para takasan ang ginawa sa biktima.Tumanggi ang pamunuan ng bilyaran na magbigay ng pahayag tungkol sa nangyari. Samantalang kinumpirma naman ng ilang nakasaksi ang tungkol sa pagtatalo ng biktima at mga suspek bago ang nangyaring paghataw ng maso.-- FRJ, GMA Integrated News