Nabulilyaso ang masamang balak ng isang tricycle driver na idiniretso sa hotel sa halip na ihatid pauwi ang 16-anyos na babae niyang pasahero sa Antipolo, Rizal. Ang naging sagabal sa kaniyang plano, ang kahera ng hotel.Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa video footage ang biktima na sumakay sa tricycle ng suspek sa Marcos Highway para magpahatid sa bahay matapos ang part-time job bilang waitress.Pero nagtaka umano ang dalagita nang sa ibang direksyon nagtungo ang tricycle sa halip na papunta sa direksyon ng kaniyang bahay.“Sabi ko po sa kanya, ‘Kuya, ibaba niyo po na lang ako dito kasi 'di naman po ako dito nagpapadala.' Ang ginawa niya naman po, binilisan niya lalo yung takbo ng tricycle niya. Natatakot na po ako noon, kasi 'di ko na po alam gagawin ko,” kuwento ng biktima.“Nahinto sila doon sa isang hotel na papasok sana siya doon para mag-check-in siguro, kaso itong biktima nagpapalag,” sabi naman ng Barangay Mambugan Violence Against Women and Children (VAWC) officer na si Rodina Juliano.Batay sa impormasyon mula sa barangay, iniwan ng suspek ang biktima sa labas at mag-isang pumasok sa hotel para magbayad sa front desk.Matapos magbayad, kinuha nito ang natatakot na biktima at ipinasok sa loob na kaniya pang inakbayan.Sinasabi umano ng suspek sa kahera ng hotel na nobya niya ang dalagita, pero itinanggi ito ng biktima.“Hinila niya po ako, tapos pumasok po kami sa hotel. Hihingi po sana ako ng tulong kaso natakot po ako sa kaniya. Nagbabayad po siya pero 'di po tinatanggap ng cashier yung bayad niya kasi di ko nga naman po 'yun kilala,” ayon sa dalagita.“Noong hindi tinanggap ang bayad, sabi ng cashier na ‘Pag pipilit ka sir, tatawag ako ng barangay’. Ngayon, nung sinabing tatawag ng barangay, kinuha niya yung pera sabay alis. Sumakay ng tricycle. Iniwan ang biktima doon,” kuwento ni Juliano.Napag-alaman din na nagawa rin pala ng biktima na makapagpadala ng mensahe sa group chat ng kanilang pamilya para humingi ng tulong.“Hindi ko po alam kung buhay pa ba siya or ano po… ‘Yun po agad ang pumasok sa isip ko eh, kaya nagmadali po talaga kami na puntahan kung saan po siya. Paano nalang kung may nangyari sa kanya na hindi maganda?” ayon sa ina ng biktima.Nakikipag-ugnayan na ang pamilya ng biktima sa mga awtoridad at sa organisasyon ng tricycle sa lugar para matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sa pamamagitan ng body number sa sasakyan na ginamit nito upang maaresto. -- FRJ, GMA Integrated News