Nasawi ang isang 38-anyos na negosyanteng Chinese matapos siyang pagbabarilin sa loob ng kaniyang sasakyan sa Dagupan, Pangasinan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen sa A.B. Fernandez Avenue sa Barangay Pantal, Dagupan City noong Sabado ng gabi.
Pauwi na umano ang biktima galing sa lamay ng kaibigan at kasasakay lang sa kaniyang pick-up truck nang pagbabarilin ng nakatakas na mga salarin.
“Pagsakay sa kaniyang sasakyan, hindi pa nakakaalis, doon na siya pinagbabaril,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Brendon Palisoc, hepe ng Dagupan City Police Station.
Ayon sa isang residente, inakala niya noong una na paputok ang nadinig niya hanggang sa makita niyang may tao sa loob ng sasakyan.
Isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na umabot nang buhay.
Ayon sa pulisya, dalawa ang salarin na sakay ng motorsiklo. Sinusuri na ang mga kuha sa closed circuit television (CCTV) na malapit sa pinangyarihan ng insidente bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon.
“Nakikipag-ugnayan tayo sa iba’t ibang agencies para matukoy kung ano ang motive sa pamamaril na ito,” sabi ni Palisoc.-- FRJ, GMA Integrated News
