Natigmak ng dugo ang flag raising ceremony ng Barangay Salitran 3 sa Dasmariñas City, Cavite nang mamaril ang isang dating barangay tanod. Patay ang punong barangay at dalawa pang opisyal, habang sugatan ang isa pa.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita na nakatayo ang mga biktima nang biglang sumulpot ang suspek mula sa likuran at unang pinuntirya sa ulo ang nakatalikod na punong barangay, at isang kagawad.

Isa pang kagawad at isang Sangguniang Kabataan secretary ang nakatakbo pero hinabol ng suspek at pinagbabaril din.

Nasawi ang kagawad habang sugatan ang SK secretary na kinailangang operahan.

Matapos ang pamamaril, umuwi ang suspek at nagbaril sa sarili. Gayunman, nawawala umano ang baril ng suspek, ayon sa awtoridad.

Paghihiganti ang tinitingnan motibo ng suspek sa krimen matapos na hindi na pasahurin noong Mayo dahil sa hindi na nakakapagtrabaho bunga ng sakit nito na diabetes.

“Nung buwan po ng Pebrero ay nakasahod pa po ito, nakapasok pa siya sa trabaho despite ng karamdaman niyang diabetes. Nito pong Mayo, nang kukunin niya na po yung sahod sa treasurer ay hindi po ibingay, ang dahilan ay naka-hold na ang kanyang sahod. Tinanggal na siya sa pagta-tanod dahil nga po ineffective na po siya, dahil hindi na siya nakakapasok dahil sa kaniyang karamdaman,” ayon kay Police Captain Michelle Bastawang, Cavite Police Provincial Office public information officer.

Ayon pa sa pulisya, ang barangay treasurer ang posibleng puntirya ng suspek.

“Ayun yung sinasabi ng mga witnesses sa area na hinahanap yung... after mabaril yung sina kapitan at saka yung mga kagawad, hinahanap niya yung tao. Nagsisigaw siya noon tsaka po siya umalis on foot,” sabi naman ni Police Lieutenant Colonel Regino Oñate, Dasmariñas Police chief.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam kung sino ang may-ari at nagtago ng baril.— FRJ, GMA Integrated News