Dalawa ang nasawi at dalawa ang sugatan nang magbanggaan ang tatlong motorsiklo sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV News Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa ML Quezon National Highway sa Barangay Mactan dakong 3:00 a.m. noong Mayo 24, 2025.

Sa video footage mula sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa isang Korean grocery store, isang motosiklo ang counterflow umano at bumangga sa dalawang motorsiklo na kaniyang nakasalubong.

Ayon sa awtoridad, kaagad na nasawi ang 19-anyos na rider ng motorsiklo na nag-counterflow, habang sa ospital naman nasawi ang isang 27-anyos na rider na kaniyang nabangga ilang oras habang nilalapatan ng lunas.

Nagtatrabaho sa resort ang nasawing 27-anyos na rider, pati na ang dalawa pang sugatan sa insidente.

Sinubukan ng GMA Regional TV Balitang Bisdak na makuhanan ng pahayag ang nakaligtas na rider ng isa pang motorsiklo pero tumanggi na siya.-- FRJ, GMA Integrated News