Nasawi ang dalawang rider sa pamamaril ng dalawang salarin sa Camino Nuevo, Zamboanga City. Ang isa sa mga nasawi, nadamay nang barilin ng mga salarin habang tumatakas.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente noong gabi ng Lunes, May 26, sa Governor Alverez Street.

Sa kuha ng Closed Circuit Television (CCTV) camera, makikita ang dalawang suspek na nakasuot ng helmet na tila may inaabangan sa gilid ng kalsada.

Nang dumaan ang kanilang target na sakay ng motorsiklo, pinagbabaril nito ang rider na 41-anyos.

Mapalad na nakatakbo at nakaligtas ang 18-anyos na angkas ng rider.

Matapos ang pagbaril sa unang biktima, tumakbo palayo ang mga suspek at nadaanan ang isang 34-anyos na rider na tumigil dahil sa kaguluhan at binaril din ng isa sa mga suspek.

Nagawa pang makatakbo ng biktima pero nasawi rin dahil sa tinamong tama ng bala.

Tuluyan namang nakatakas ang dalawang salarin na pinaghahanap na ng mga awtoridad.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na mula sa billard hall ang unang biktima nang abangan siya ng mga salarin.

Personal na away na nakikitang motibo ng pulisya sa pagpatay sa unang biktima.

“Yung nakikita na possible motive dito, based sa witness, ay personal grudge,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Paul Andrew Cortes, spokesperson ng Zamboanga City Police Office.

“Ongoing pa yung hot pursuit operation natin dito sa POI (person of interest) natin kasi may witness din tayo na nakuha and siya mismo makaka-identify dito sa POI natin na isa sa mga suspek natin,” dagdag niya. -- FRJ, GMA Integrated News