Apat na magkakamag-anak ang nasawi, at tatlo pa ang sugatan matapos silang pagbabarilin sa kani-kanilang bahay sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang masaker sa Sitio 14, Barangay Ladia, nitong Lunes ng hapon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, anim na lalaki na armado ng matataas ba kalibre ng baril at sakay ng mini van ang dumating sa lugar ng mga biktima at namaril.
Kabilang sa mga nasawi ang isang batang babae na sampung-taong-gulang.
Patuloy namang nagpapagaling ang tatlo pang sugatan, kabilang ang isang menor de edad.
Inihayag ng mga biktima na wala silang natatanggap na banta sa kanilang buhay.
Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang mga suspek. -- FRJ, GMA Integrated News
