Kalunos-lunos ang sinapit ng isang babae na nasawi matapos tumilapon mula sa sinasakyan niyang pampasaherong jeep na sumalpok sa concrete barrier at nasagasaan ng truck sa Quezon.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon nitong Martes ng tanghali.

Matapos bumangga ang jeep sa concrete barrier, bumaliktad ang sasakyan sa gitna ng highway.

Sa kasamaang palad, isang dumadaang sasakyan ang nakasagasa sa tumilapong biktima mula sa jeep.

Sugatan naman at dinala sa pagamutan ang 17 pang pasahero ng jeepney.

Wala pang pahayag ang driver ng jeep sa nangyari, habang hinahanap ng mga awtoridad ang driver ng nakasagasang truck, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA Integrated News