Nasawi ang isang rider matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang cement mixer sa construction site sa Laoag City, Ilocos Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente nitong Martes, at papunta sa silangang direksyon ang biktima.

Sa lakas ng pagbangga, tumilapon ang biktima sa kalsada at nagtamo ng matinding pinsala sa katawan.

Rumesponde ang rescue team mula sa Department of Public Safety at dinala sa ospital ang biktima pero idineklara ng doktor na dead on arrival.

Muling nagpaalala ang pulisya sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho dahil may ginagawang mga drainage canal sa lugar.-- FRJ, GMA Integrated News