Nanumpa na si House Deputy Minority Leader Mujiv Hataman bilang governor-elect ng Basilan sa nagdaang eleksyon. Sa kaniyang talumpati, inihayag ng kongresista na ang nagdaang halalan ang pinakamabigat at pinakamasakit sa lahat ng eleksyon na pinagdaanan niya.
“Ito yung pinakamabigat at pinakamasakit na eleksyon sa lahat ng eleksyon na pinagdaanan ko. Dahil laman ko ang katunggali ko… pamangkin ko, anak ng Kuya ko ang naging katunggali,” pahayag ni Hataman sa mga dumalo sa ginanap na oathtaking sa Isabela City Gym na isinagawa ni Executive Judge Leo Jay Torres Principe, ng Regional Trial Court Branch 1 ng 9th Judicial Region.
Ang tinutukoy ni Hataman na nakalaban niya ay ang pamangkin na si Jay Hataman Salliman, na anak ng outgoing governor at kapatid niyang si Jim Salliman.
Nanalo naman si Jim, bilang bise gobernador ng lalawigan.
“Tinanggap ko na lang ito (bilang) isang malaking pagsubok po sa aming lahat. Pero sana, babalik kami na higit kung ano yung nakaraan namin at maging aral sa lahat sa amin ang nakaraang eleksyon,” dagdag niya.
Nagpahiwatig din si Hataman na bukas siya sa rekonselyasyon sa mga kamag-anak na nakatagunggali sa nagdaang halalan.
“Sigurado ako, kung nagmamahalan kami noon, titiyakin namin sa inyo na mas higit kaming magmamahalan alang-alang sa inyong lahat at alang-alang sa ating lalawigan,” sabi pa ng uupong gobernador.
Tiniyak din ni Hataman sa kaniyang talumpati na gagawin niyang gobyerno ng mga tao ang pagiging gobernador ng Basilan. Nangako rin siya sa kaniyang Kuya Jim na higit na paghuhusayin ang kaniyang pagsisilbi sa lalawigan.
“Titiyakin ko sa inyo na hindi po ako gobernador ng angkan ng Hataman kundi gobernador ako ng buong lalawigan at mamamayan ng Basilan,” saad ni Hataman, na sinabi ring bukas sa lahat ang kapitolyo anumang oras.
Noong administrasyon ni Benigno "Noynoy" Aquino III, nagsilbing gobernador si Hataman ng binuwag na Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), na tinatawag na ngayong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) -- FRJ, GMA Integrated News

