Patay ang isang pulis matapos siyang barilin habang naglalakad sa Isulan, Sultan Kudarat. Ang mag-amang suspek, naaresto sa hot pursuit operation sa Polomolok, South Cotabato.

Sa ulat ni Moristo Jun Pandamon sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabing binaril ang biktima dakong 2:00 am nitong Martes, sa Barangay Kalawag sa bayan ng Isulan sa Sultan Kudarat.

Ayon sa pulisya, naglalakad at pauwi na ang biktima na si Police Executive Master Sergeant Geoffrey Angub, nang abangan siya ng mag-amang suspek at pagbabarilin.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa mag-ama sa Polomolok, South Cotabato kung saan sila nagtago.

 

 

Matapos maaresto, dinala na ang mag-ama sa Isulan police detention facility para sa kakaharapin nilang kaso.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Julius Malcontento, hepe ng Isulan Police, personal na galit ang lumalabas na motibo ng mga suspek sa pagpatay sa biktima.

"On the part of our investigation, may nakuha na kaming statement ng mga witnesses natin at the same time, may pieces of evidence naman," dagdag ng opisyal.-- FRJ, GMA Integrated News