Nauwi sa habulan at pagpapatutok ng baril ang ginawang pagsaway ng babae sa kaniyang live-in partner na lalaki na huwag maingay sa habang umiinom ng alak dahil natutulog ang sanggol nilang anak sa Cavite City.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage sa Barangay 29 A Caridad, na tumatakbo sa isang eskinita ang isang babae.
Nakasunod naman sa kaniya ang kaniyang kinakasama na may dalang baril na itinutok sa direksyon ng babae at pinaputok.
Ayon sa pulisya, hindi tinamaan ang babae at naaresto kinalaunan ang suspek.
Ipinaliwanag umano ng suspek sa mga pulis na hindi niya naman talaga nais patamaan ang babae.
Sa imbestigasyon, nag-away ang dalawa nang sawayin umano ng babae ang suspek dahil sa malakas na pagpapatugtog habang umiinom ng alak.
Natutulog umano nang sandaling iyon ang anak nilang walong-buwan-gulang.
Kinabukasan, muling nag-away ang dalawa na nauwi na sa habulan at pagpapaputok ng baril ng suspek.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa patong-patong na reklamo na kinabibilangan ng attempted murder at paglabag sa gun ban. --FRJ, GMA Integrated News
