Lima ang nasawi, at lima pa ang sugatan nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang dump truck na may kargang graba sa pababang bahagi ng daan sa Caraga, Davao Oriental.

Sa ulat ni RGil Relator ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ng awtoridad na may lalim na 80 metro ang binagsakan ng truck sa bahagi ng Barangay Pichon.

“Papunta sila sa Sitio Bantawan, ‘yung sa may ginagawang kalsada. Tapos nang dumating na sila sa may pa-downhill, doon na nag-lost control ang sinasakyan nila,” ayon kay Caraga Police investigator Police Corporal Rhym Pamaclawan.

Kabilang ang isang inhenyero sa limang nasawi na nadaganan ng truck at graba. Dinala naman sa ospital ang lima pang sugatan.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa dahilan ng sakuna. Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang truck driver at construction company. -- FRJ, GMA Integrated News