Tatlong lalaki na mula sa Batangas na naghatid lang umano ng hybrid goats sa kausap nito sa Maguindanao del Sur ang nadiskubreng inilibing sa isang rubber plantation sa Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapha.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabi ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), na nadiskubre ang mga bangkay nang may makaamoy nang mabaho sa lugar kung saan ibinaon ang mga biktima.

Naaagnas na ang mga bangkay at nakatali ang mga kanilang mga kamay.

Mismong ang mga kamag-anak ang kumilala sa bangkay ng tatlo batay sa kanilang suot nang huli silang nakitang buhay.

Napag-alaman na mga residente mula sa Calatagan, Batangas ang mga biktima, at nagtungo sa Maguindanao del Sur para mag-deliver ng hybrid goats sa isang contact bago ang May 12, 2025 elections.

“Meron silang dineliber na allegedly na kambing sa area. Huling contact around first week of May bago mag-election, May 10 or 11,” ayon kay PRO-BAR Spokesperson, Lt. Col. Jopy Ventura.

Iniimbestigahan na mga awtoridad kung sino ang kausap ng mga biktima upang matukoy ang mga salarin.-- FRJ, GMA Integrated News