Nasawi ang isang 23-anyos na motorcycle rider matapos makabanggaan ang isang tricycle sa Antipolo, Rizal.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing tumambad sa mga residente ng Barangay San Luis ang duguang rider na nakahandusay sa kalsada pasado 9 a.m. ng Lunes.
Tinatahak noon ng biktima ang kahabaan ng Maguey Road sakay ng kaniyang motor nang bigla siyang sumalpok sa isang tricycle.
Batay sa salaysay ng isang saksi, mabilis ang takbo ng motorsiklo na paahon ng kalsada, samantalang kasalubong niya ang tricycle na palusong naman.
“Mabilis po. Tapos nag-wiggle… ‘Pag ganoon ng motor, umiwas ‘yung tricycle. Tapos parang nag-lock ‘yung kadena ng single. ‘Yun, sumalpok,” sabi ni Abraham Mutas, saksi sa insidente.
“Matulin. Tapos nag-wiggle ‘yung gulong niya roon,” ayon naman sa tricycle driver.
“Mabagal naman 'yung takbo ng tricycle. Ang motor daw ang talaga ang mabilis. Iyon ang pagkasabi ng tricycle,” sabi ni Alexander Zaulda, tanod ng Barangay San Isidro.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang motorsiklo habang tumaob naman ang nakasalpukan nitong tricycle.
Dead on the spot ang rider ng motorsiklo, na sinubukan pang lunasan ng first aid at CPR. Nakasuot siya ng bike helmet.
Nagtamo naman ng mga sugat ang 50-anyos na tricycle driver, pati ang kaniyang babaeng pasahero.
Batay sa pulisya, nagka-areglo ang mga sangkot sa aksidente.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang mga kaanak ng nasawing biktima. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
