Binaril at napatay sa tapat ng kaniyang bahay ang dating alkalde ng Lagayan, Abra nitong Martes ng umaga.
Ayon sa Police Regional Office - Cordillera (PRO COR), nakaupo ang biktima na si Jendricks Luna, 54-anyos, sa labas ng kaniyang bahay sa Barangay Dangdangla nang pagbabarilin siya.
Base sa police report, sakay ng dalawang motorsiklo ang mga salarin na mabilis na tumakas matapos na isagawa ang krimen.
Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa iba't ibang bahagi ng katawan si Luna na idineklarang dead on arrival nang isugod sa ospital.
Nagsagawa naman ng dragnet operations ang mga pulis upang maaresto ang mga nakatakas na suspek.
Patuloy pa ang imbestigasyon upang alamin ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News

