Patay ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng isang suspek sa kaniyang tindahan sa Santa, Ilocos Sur. Ang suspek, bumili at pinagbentahan pa ng anak ng biktima.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang krimen sa bahay na mini grocery store ng 58-anyos na biktima sa Sitio San Jose sa Barangay Magsaysay District.
Sa imbestigasyon ng pulisya, gabi noong Linggo nang bumili sa tindahan ang salarin at pinagbentahan pa ng isang anak ng biktima.
Pero minamanman na pala ang salarin ang biktima.
Nakakuha ng tiyempo ang salarin at pinagbabaril ang biktima nang maglakad ang negosyante malapit sa kaniyang kinauupuan.
Kaagad na nasawi ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan.
“Nung umupo siya doon, ‘yun pala minamanmanan na niya ‘yung biktima na nandoon sa lababo, malapit lang doon sa kinauupuan ng suspek. Nu’ng makitang nakatalikod ang biktima doon, binaril na po ng tatlong beses,” ayon kay Police Captain Rovic Nelmida, officer-in-charge ng Santa Police Station.
Sa hot pursuit operation, naaresto ng pulisya ang suspek na kababayan at kakilala ng biktima.
Paghihiganti ang nakikita ng pulisya na motibo sa krimen.
Sasampahan ng kasong murder ang suspek. -- FRJ, GMA Integrated News
