Nasawi ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin nang malapitan sa Rodriguez, Rizal. Ayon sa isang saksi, napagkamalan lang na gunman ang nahuling suspek.Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa CCTV noong Hunyo 1 ang biktimang si Edwin Villarreal, 25-anyos, na sakay ng isang motorsiklo sa Barangay San Isidro.Ilang saglit pa, lumapit ang isang lalaking naglalakad at may suot na sumbrero, at biglang pinagbabaril ang biktima.Natumba ang biktima at kaniyang motor, habang tumakas naman ang gunman at nagsitakbuhan ang mga tao sa lugar.“May tama sa ulo at dito sa katawan at tatlong basyo ‘yung ating nakuha doon sa area. Naisugod naman natin ito sa hospital at doon nang diniclare (declare) na patay,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Paul Macasa Sabulao, chief ng Rodriguez Police.Batay sa pulisya, sinabi ng live-in partner ng biktima na suspek sa pamamaril ang isang lalaking kakilala ng biktima.“Sinabi niya na ‘yun ang suspek kasi meron silang palitan ng text message na pinagbabantaan na sinasabi na mag-unahan na lang sila,” ayon kay Sabulao.“Nag-post po ‘yung kababata ko, tapos tinag po ‘yung live-in partner ko. Sabi kasi niya sa akin na suwertihan na lang, siya ‘yung makauna, Sunday po ‘yun ng 10 a.m. Then nabalitaan ko na lang ng Sunday rin ng gabi, namatay ‘yung live-in partner ko,” sabi ng live-in partner ng biktima.Nadakip ng Rodriguez Police isang araw matapos ang pamamaril ang suspek, na napag-alamang may arrest warrant sa kasong robbery.Sasampahan ng reklamong murder ang suspek, na hindi nagbigay ng pahayag at nakadetene sa custodial facility ng Rodriguez Municipal Police Station.Makalipas ang ilang araw, isang witness ang lumutang na kasama umano niya mismo ang biktima nang maganap ang pamamaril.Ayon sa saksi, iba ang bumaril sa biktima at hindi ang unang nahuli ng mga awtoridad.“Sinasabi niya na kaya siya nagtago dahil natakot siya. At sinabi niya kilala niya mismo itong bumaril at hindi ‘yung nauna nating nahuli. So patuloy ‘yung ating manhunt operation doon sa sinasabing suspek na kilala niya dahil nakasama niya mismo sa kulungan itong bumaril” sabi ni Sabulao.Labis ang hinagpis na mga naulila ng biktimang tricycle driver, na bunso sa anim na magkakapatid at ama ng tatlong taong gulang na bata.Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa isa pang suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News