Timbog ang isang 55-anyos na construction worker matapos niyang halayin umano ang menor de edad na apo ng kaniyang live-in partner sa Rodriguez, Rizal.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nadakip ng pulisya ang akusado sa kaniyang bahay sa Barangay San Jose nitong Martes.
Nangyari ang insidente noong Oktubre 2024.
“Noong araw ngang iyon ay inutusan nga itong bata ng kaniyang auntie na pumunta roon sa bahay at kumuha ng damit, kung saan itong arrested natin na tao nandoon sa bahay, at nagulat siya at siya ay minolestiya nitong taong ‘to. Itong bata na ‘to na biktima ay agad nagsumbong as kanyang tatay at nagpunta sa himpilan ng pulisya,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Paul Macasa Sabulao, hepe ng Rodriguez Police.
Nang aksyunan na ng pulisya, nakatakas umano ang akusado.
Mayo 8 nang lumabas ang warrant of arrest laban sa lalaki.
Nakakulong na sa Rodriguez Municipal Police Station at hindi nagbigay ng pahayag ang akusado, na nahaharap sa kasong acts of lasciviousness.
Samantala sa Angono sa Rizal pa rin, hinuli rin sa bisa ng arrest warrant ang isang 57-anyos na lalaki dahil sa pang-aabuso umano sa isang 17-anyos na dalagita.
Ayon sa pulisya, nangyari ang krimen sa Barangay San Vicente Pebrero ng nakaraang taon, kung saan naglalaro umano noon ang biktima kasama ang mga kaibigan nang bigla siyang nilapitan ng akusado.
“Tinakot niya itong biktima na 17 years old habang naglalaro ng skateboard at sapilitang isinama sa kaniyang bahay. Doon nangyari ‘yung pang-aabuso. Dahil sa takot ng biktima ay nai-report lamang ng March 2024 so umabot pa ng isang buwan,” ayon kay Police Colonel Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal PPO.
Sinubukan ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang akusado na nakakulong sa Angono Municipal Police Station ngunit tumanggi siyang humarap sa media. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
