Isang babae ang kalunos-lunos ang kalagayan na halos bumagsak ang baba matapos siyang mataga sa mukha ng amain ng kaniyang menor de edad na pinsan sa Marilao, Bulacan.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa "24 Oras" nitong Huwebes, ikinuwento ng 16-anyos na si “Tonyo,” hindi niya tunay na pangalan, na nagtungo siya sa bahay ng dating kinakasama ng kaniyang ina nitong Miyerkoles para kunin ang kanilang mga gamit.

Sinamahan siya ng kaniyang 32-anyos na pinsang si Ariel. Matapos na mag-ayos ng gamit si Tonyo, dito na siya nilapitan ng kaniyang amain.

“Tapos nagsabi po siya na ‘Patas na kami ng mama mo.’ Tapos may hawak po siya, ‘yung itak po,” kuwento ni Tonyo.

Hanggang sa nagsimula nang mag-unday ng taga ang kaniyang amain.

“Buti na lang po nakatakbo po ako. Tapos hinabol niya po, binato niya po ako ng itak pero hindi po ako tinamaan,” sabi ni Tonyo.

Sa kaniyang pagtakbo, sinisigawan niya ang pinsang si Ariel, na naghihintay sa kaniya sa labas ng bahay.

“Tapos sumigaw-sigaw na po ako sa ate ko na ‘Tara na po, tara na, tara na, hayaan mo na 'yung gamit ko.’ Tapos ayun po, nataga po siya nu’ng tito ko sa bibig. Ako po 'yung dapat tatagain niya, kaso 'yung Ate ko po nadamay lang po. Eh gusto niya lang po na tulungan lang naman po ako para iuwi 'yung mga gamit ko,” sabi ni Tonyo.

Nataga sa mukha ang pinsan ng menor de edad at dinila ito sa ospital.

“Hindi niya po kaya ibuka 'yung bibig niya kasi medyo lawlaw po,” sabi ni Tonyo.

Hindi matanggap ng kinakasama ng biktima ang insidente.

“Hindi ko po mapaliwanag. Nakatayo lang po ako tapos tinititigan ko lang siya. Gusto ko pong mabigyan ng hustisya siya kasi ‘yun din po 'yung gusto niya. Sinulat niya po 'yun kanina sa papel. Gusto niya ng hustisya, gusto niya makulong ‘yun, gusto niya makulong habambuhay,” sabi ni “Ana,” kinakasama ng biktima.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Marilao Police sa insidente.

Iniahanda na ang mga reklamong frustrated homicide at attempted homicide sa suspek, na patuloy na pinaghanap.

“Kapag pumipikit po ako, naaalala ko po ‘yung mukha niya na nakatingin sa akin na may hawak ng itak, na tatagain po ako,” sabi ni Tonyo. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News