Sa kabila ng kaniyang katandaan at kahit hindi na makakita, patuloy ang isang 80-anyos na lolo sa pag-akyat sa mga puno ng niyog para manguha ng tuba na kaniyang pagkakakitaan sa Dumaguete, Negros Oriental.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” ipinakilala si Aquino Espadilla, na kaya pang umakyat sa nagtataasang puno ng niyog na umaabot sa 20 talampakan.
Nangunguha si Lolo Aquino ng tuba na ginagamit sa paggawa ng lambanog.
Mag-isa nang namumuhay si Tatay Aquino kaya solo rin siya sa pagkayod.
“Wala kaming lupain, wala kaming kahit ano... magsasaka lang talaga. Kaya noong lumaki-laki na ako, sabi ng nanay ko, ‘Dong, hindi man tayo laging magkasama, tuturuan kitang magtanim. Namatay na siya. Ako ay may pagkain kasi nagtanim ako,” pag-alala ni Lolo Aquino sa sinabi sa kaniya ng kaniyang ina.
Lalo nang nagpapahirap kay Lolo Aquino ang kaniyang mga matang wala nang makita.
Nagsimula ito noong minsan siyang lagnatin. Dahil hindi niya ito pinansin at hindi na rin nakapagpatingin, unti-unti nang nawala ang kaniyang paningin.
“Wala akong pampagamot kasi mahirap ako. Ang sakripisyo ko ay hindi sapat, kulang pa,” sabi niya.
Sa kabila nito, hindi nagpatalo at nagtago sa dilim si Lolo Aquino, na patuloy pa rin sa pangangarit ng tuba.
Makikita si Lolo Aquino na ala-Spider-Man na umaakyat para marating ang tuktok ng niyog.
Saka niya kinuha ang mga naipong tuba mula sa pag-akyat saka kakaritin ang sanga para makakuha ulit ang katas ng tuba.
Kaya ni Lolo Aquino na umakyat ng hanggang dalawang puno kada araw at nakakaipon ng hanggang isang galon ng tuba. Kumikita siya ng nasa P100 kada araw sa pangunguha ng tuba.
Inamin ni Lolo Aquino na hirap na rin siyang umakyat ng puno dahil sa kaniyang edad.
“Sa ngayon, nagrereklamo na ako. Kaya sabi ko, kung may tutulong man sa akin, titigil na ako sa pagtutuba. Kasi ang dami ko nang nararamdaman, may high blood na ako.”
Kung bibigyan lang ng pagkakataon, gusto nang magpahinga ni Lolo Aquino sa pagtutuba.
“Hindi ko na talaga kaya ang aking sarili. Pagod na ang aking katawan.”
Para sa mga nais tumulong kay Lolo Aquino, magpadala sa:
- GCash
- 09924421295
- Cerilyn Grefalde
— Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News