Dalawa ang nasawi, at isa ang sugatan matapos masagi ng isang truck ang sinasakyan nilang tricycle, at mabunggo ng isa pang truck sa Nueva Ecija.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente nitong Huwebes ng hapon sa bypass road sa Barangay La Torre sa bayan ng Talavera.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na isang 10-wheeler na wing van ang unang nakasagi sa tricycle na dahilan para mawalan ng kontrol ang driver at napunta sa kabilang bahagi ng kalsada, at doon naman nasalpok ng paparating na trailer truck.

Sa lakas ng pagbangga, nawasak ang tricycle at tumilapon ang mga sakay nito.

Nasa kustodiya naman ng mga awtoridad ang mga driver ng dalawang truck, na mahaharap sa kaukulang reklamo. --FRJ, GMA Integrated News