Nasawi ang isang 23-anyos na rider matapos na bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang Asian utility vehicle (AUV) sa Sta. Barbara, Pangasinan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa bahagi ng Barangay Maningding nitong Huwebes ng gabi.
Sa kuha ng closed circuit television (CCTV) camera dakong 10:00 pm, makikita ang motorsiklo ng biktima na dire-diretso sa linya ng daan ng AUV hanggang sa mangyari ang banggaan.
Ayon sa mga awtoridad, lumabas sa imbestigasyo na nag-U-turn bigla ang motorsiklo at bumangga sa AUV.
Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang rider na hindi na umabot nang buhay sa ospital. Ligtas naman ang sakay ng AUV.
Ayon kay Police Captain Arcadio Pidlaoan Jr., Administrative Officer ng Sta. Barbara Police Station, napag-alaman na galing sa inuman ang biktima nang mangyari ang insidente.
Nakahanda naman umano ang driver ng AUV na makipag-usap sa pamilya ng biktima. --FRJ, GMA Integrated News
