Nasawi ang isang 37-anyos na rider matapos siyang makasagasa ng tumawid na aso at masalpok pa ng bus sa National Highway ng Siaton, Negros Oriental.

Sa ulat ni JP Soriano sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood na tila isang normal na trapiko lang sa unang tingin ang kuha ng CCTV sa lugar.

Hanggang sa biglang tumawid ang isang aso.

Dahil dito, hindi na nakapreno ang paparating na rider at nasagasaan ang aso. Hanggang sa mawalan siya ng balanse at sumalpok sa harapan ng kasalubong na bus.

Dead on arrival sa ospital ang rider.

Batay sa pulisya, normal ang patakbo ng bus, pero napunta sa linya ng bus ang motorsiklo nang mawalan ng kontrol ang rider.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng bus driver na sumuko sa mga pulisya olis at nakadetene ngayon sa Siaton Police Station.

Patuloy ang pag-iimbestiga sa insidente, lalo’t hindi pa tukoy ang kinahinatnan ng aso.

Samantala sa Tupi, South Cotabato naman, nahagip sa CCTV sa National Highway ang isang multi-cab na kahit na nag-signal light at bumagal sa pedestrian lane bago sana lumiko, bigla pa rin itong sinalpok sa likod ng isang humaharurot na van.

Ilang ulit nagpaikot-ikot ang multi-cab sa basang kalsada bago dumiretso sa kanal.

Nahulog din sa kanal sa gilid ng daan ang nakasalpok na van.

Nagtamo ng minor injuries ang driver ng van at isa nitong pasahero, habang nagtamo naman ng mga galos ang driver na nag-iisang sakay ng multi-cab.

Hawak na ng Tupi Police ang driver ng van at ang dalawang sasakyang sangkot habang nag-iimbestiga sa disgrasya.

Sa Tulunan, Cotabato naman, humandusay sa kalsada ang isang rider at kaniyang angkas matapos silang sumemplang nang tamaan ng signage na nilipad ng hangin.

Sinabi ng kapitan ng barangay na nawalan ng kontrol at sumemplang ang motorsiklo 

Isinugod sa ospital ang dalawa na nagtamo ng minor injuries.

Sa Cebu City, tatlong pedestrian ang nasalpok ng sasakyan.

Umamin ang driver na nakainom siya sa isang birthday party at nakaidlip. Kalaunan, namalayan na lang niyang tumagilid ang sasakyan at nabundol ang mga biktimang patawid.

Nasa kustodiya na siya ng pulisya habang nagpapagaling na sa ospital ang mga biktima. –Jamil Santos/NB, GMA Integrated News