Nasawi ang isang anim na taong gulang na batang lalaki dahil sa rabies matapos itong makagat ng kanilang alagang tuta sa Gumaca, Quezon

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, sinabing cremated na ang bata at nakalagak ang kaniyang abo sa kanilang bahay.

Sinabi ng ama ng bata na pumanaw ang kaniyang anak mahigit isang buwan matapos makagat ng kanilang tuta noong Mayo 10.

Pagdating ng Huwebes noong nakaraang linggo, nilagnat at sumakit ang tiyan ng kanilang anak.

Biyernes nang lumala ang sintomas ng bata kaya dinala ito sa ospital at namatay kalaunan.

Hindi raw inakala ng pamilya na rabies ang sanhi nito dahil nakumpleto ng kanilang anak ang rabies vaccine noong Hunyo 4.

Gustong paimbestigahan ng mga magulang ang kinahinatnan ng kanilang anak.

Ayon naman sa ospital, posible pa ring mamatay sa rabies ang isang pasyente kahit na kumpleto ang kaniyang bakuna.

Hindi rin sinabi agad ng mga magulang na namatay ang tutang nangagat sa bata. —Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News