Pinatunayan ng isang 18-anyos na hindi hadlang ang edad sa edukasyon, na kasalukuyang nag-aaral sa Grade 2 kasabay ang mga estudyanteng edad 7 at 8 sa Cebu City. Ang binatilyo, pangarap maging isang pulis.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkoles, ipinakilala si AJ Sumampong, na kasalukuyang nag-aaral sa Buhisan Elementary School.

Sa kabila ng layo ng kaniyang edad sa mga kaklase, hindi ito sagabal kay Sumampong para siya maging aktibo sa pag-aaral.

Ayon kay Sumampong, tinutulungan niya ang kaniyang ina sa mga gawaing bahay at inaalagaan niya ang kaniyang mga kapatid kaya siya nahuli sa pag-aaral.

Sinabi ng kaniyang guro na aktibo si Sumampong sa pag-aaral, at pangarap ng binata na maging isang pulis. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News