Patay ang isang buntis, pati na ang kapitbahay niyang nagmagandang-loob na ihatid siya sa ospital para magpa-checkup nang masalpok ng isang Multi-Purpose Vehicle (MPV) ang sinasakyan nilang kotse sa Tagaytay City.
Sa ulat ni John Consulta sa GTV News State of the Nation nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang trahediya sa Bypass Road ng Barangay Zambal sa Tagaytay City nitong Martes ng madaling araw.
Ayon sa pulisya, bukod sa buntis at driver niyang kapitbahay, nasawi rin ang isa pa nilang kasamang lalaki na nakasakay sa kotse.
Ang nakabanggaan ng mga biktima, limang bagong graduate na senior high school students na nasa edad 17 hanggang 19, na nakasakay sa MVP.
Sugatan ang mga ito na dinala sa ospital.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya, na lasing umano ang 18-anyos na driver ng MVP na napunta sa kabilang linya ng kalsada kaya nasalpok ang paparating na kotse ng mga biktima.
Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang driver na ng MPV wala pa umanong pahayag.--FRJ, GMA Integrated News
