Nasawi ang dalawang babaeng sakay ng isang motorsiklo matapos silang sumalpok sa isang SUV at tumilapon sa bukid sa Baggao, Cagayan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing napunta ang mga biktima sa bukid na katabi ng kalsada sa Barangay Nangalinan sa lakas ng banggaan, at nagkasira-sira din ang kanilang motorsiklo.

Dumiretso naman sa palayan sa gilid ng kalsada ang SUV na kanilang nakabanggaan.

Agad nakatugon ang mga awtoridad ngunit idineklarang dead on arrival sa ospital ang mga biktima.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng SUV, na mahaharap sa kaukulang reklamo.

Hindi naman binanggit sa ulat kung ano ang dahilan sa nangyaring banggaan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News