Nahuli-cam sa Consolacion, Cebu ang eksenang ginawa ng isang lalaking "taong-grasa" o palaboy, nangunguha ng pagkain sa tindahan. May mga tao rin siyang sinuntok na kaniyang nadaanan.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing napag-alaman ng mga awtoridad na mula sa Cebu City ang 36-anyos na lalaki na napadpad lang sa Consolacion.
Nang makarating sa kaalaman ng lokal na pamahalaan at pulisya ang insidente, kaagad na isinagawa ang pagsagip sa lalaki sa Barangay Pulpugan upang mabigyan ng atensyong medikal.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Eunil Avergonzado, hepe ng Concolacion Police, nabigyan ng municipal health office ng pampakalma ang lalaki upang sumama ito sa kanila nang maayos at madala sa municipal social welfare department.
Pinagupitan din at binihisan ang lalaki na dinala na sa isang ospital sa kinakailangan niyang tulong medikal.-- FRJ, GMA Integrated News
