Nahuli-cam sa isang kalsada sa Lapu-Lapu City, Cebu ang suntukan at paluan ng dalawang rider. Ang isang rider, nakasuot ng uniporme para sa mga kawani ng naturang lokal na pamahalaan.Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, makikitang hinarang ng isang rider ang motorsiklo ng isa pang rider sa kalsada.Parehong bumaba sa kanila-kanilang motorsiklo ang dalawang rider at nagkapisikalan. Ang rider na nakasuot ng uniporme ng city hall ng Lapu-lapu, makikitang may hawak pang pamalo.Natigil din ang away nang pumagitna ang mga kasama nilang babae.Sa panayam, kinumpirma ni Atty. Danilo Almendras, city administrator, na kawani nila ang isang rider na sangkot sa insidente na kumalat na rin sa social media.Sinabi rin ni Almendras na nagtungo na sa kaniyang tanggapan ang nakaalitang rider ng kawani nitong Miyerkules ng umaga. Pinayuhan raw ang rider na magsampa ng pormal na reklamo. Habang hinihintay naman daw niya ang paliwanag ng kanilang tauhan na nasangkot sa gulo.Sinusubukan pa ng Balitang Bisdak na makuhanan ng pahayag ang rider na nakaaway ng kawani ng city hall. Pero sa post nito sa social media, ikinuwento niya na may bumabangga sa likuran ng motorsiklo nila na dahilan para masira ang kaniyang plate number at tinamaan din ang signal light.Nang kakausapin umano niya ang rider na bumangga sa kaniya na nakauniporme ng city hall, tumakas umano ito kaya niya hinabol. At nang maabutan niya at harangin, doon na nangyari ang gulo.Samantala, wala pang komento ang kawani ng city hall sa nangyaring insidente.-- FRJ, GMA Integrated News