Sumuko ang isang 33-anyos na lalaking motorcycle-for-hire driver na suspek sa pagpatay at paghalay sa isang 18-anyos na babae na nakita ang katawan sa loob ng kaniyang kuwarto sa Tubungan, Iloilo. Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes, inihayag ng mga awtoridad na positibo umanong pinagsamantalahan ang biktima.June 17 nang makita ang bangkay ng babae sa loob ng nakakandado nitong kuwarto. Nakahiga sa ibaba ng kama ang katawan ng biktima na may damit pero walang saplot pang-ibaba, at may dugo sa ilong.Batay sa autopsy report, sinabi ni Dr. Owen Lebaquin, medico-legal officer, na positibong pinagsamantalahan ang biktima, at may nakita ring gasgas sa paa at braso nito.May nakita rin umanong apat na "hematoma" sa ulo ng biktima na nangyayari umano kapag may napinsalang blood vessel.Dahil naka-lock ang pinto ng kuwarto ng biktima, naniniwala ang mga awtoridad na sa bintina dumaan ang salarin.Pito ang naging persons of interest ng kapulisan sa kaso, hanggang sa sumuko ang suspek sa mga awtoridad dahil hindi na umano kinaya ng kaniyang konsensiya ang nangyari.Kinumpirma ng suspek na nakapasok siya sa kuwarto ng biktima sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana. Nang makapasok, tinakpan umano niya ang bibig ng biktima pero nanlaban ito.Sa paglaban ng biktima, nahulog umano sila mula sa kama at tumama ang ulo ng babae sa sementadong sahig na naging dahilan ng pagkamatay nito.Nakita umano niyang may lumabas na dugo sa ilong ng biktima kaya inayos niya ito sa pagkakahiga sa unan at saka umalis.Pero itinanggi ng suspek na ginahasa niya ang biktima, at wala raw siyang inalis sa saplot nito.Inamin din ng suspek na nakainom siya nang mangyari ang insidente.Ayon sa pulisya, naging pasahero ng suspek ang biktima.Hindi naniniwala ang pulisya na hindi panggahasa ang pakay ng suspek sa pagpasok sa kuwarto ng biktima.“Hindi kami naniniwala kasi ano ba ang pakay mo? Bakit ka pumasok at sa bintana ka pa dumaan? Para ano? Para lang manggulat?” ayon kay Police Lieutenant Niel Eric Goniabo, Tubungan Municipal Police Station investigator.Sasampahan ng kasong rape with homicide ang suspek. --FRJ, GMA Integrated News