Patay ang isang 51-anyos na lalaki matapos madaganan ng sarili niyang minamanehong van sa Barangay Mascap, Rodriguez, Rizal, bandang alas-2:30 ng madaling araw kanina.
Ayon sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Lunes, may sakay na 13 pasahero ang van na patungo sana sa isang camping trip sa naturang lugar. Sa gitna ng biyahe, nadaanan umano ng sasakyan ang isang malalim na lubak, dahilan upang bumaba ang driver at suriin ang kondisyon ng van.
“Medyo umulan nun at basa ‘yung kalsada doon sa area. At ‘yun nga, nung paahon sila doon sa area papuntang Mascap ay sabi may kumalabog doon sa ilalim ng van. Tinignan ng kanilang driver, nakalimutan naman nung driver na mai-handbrake, so nagtuloy-tuloy, bumulusok ‘yung van at nakaladkad siya. Nadaganan siya dahil tumagilid ‘yung van,” pahayag ni PLt.Col. Paul Macasa Sabulao, hepe ng Rodriguez Police.
Sinubukan pa umanong humingi ng saklolo ng biktima mula sa mga pasahero bago siya tuluyang madaganan.
“Ayon doon sa mga witness, sumisigaw na siya ng 'handbrake, handbrake, handbrake', kaya lang nataranta na rin siguro ‘yung mga pasahero dahil wala ‘yung driver—kaya lalo silang naggewang-gewang,” dagdag pa ni Sabulao.
Ilang pasahero ang nagtamo ng minor injuries, ngunit walang naibigay na eksaktong bilang ang mga awtoridad.
Kinailangan pang gumamit ng backhoe upang maiahon ang katawan ng biktima na naipit sa ilalim ng tumagilid na van.
Ilang oras ang inabot bago tuluyang naialis ang bangkay at muling nabuksan ang kalsadang pinangyarihan ng aksidente.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya ng biktima na residente ng Dasmariñas, Cavite, habang patuloy ang pakikipag-ugnayan ng GMA Integrated News sa kanila. —Sherylin Untalan/AOL, GMA Integrated News
