Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay San Nicolas Proper, Cebu City. Ang biktima, dati nang nasangkot sa kasong pagpatay.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa CCTV camera ang pagliko ng e-bike na sinasakyan ng biktima sa isang intersection sa lugar, hanggang sa may makasalubong itong isang motorsiklo.
Tumigil ang dalawang sasakyan, hanggang sa bumunot ng baril ang angkas sa motorsiklo at pinagbabaril ang biktimang nasa e-bike.
Bumagsak sa kalsada ang biktima pero ilang beses pa siyang pinaputukan ng mga salarin bago tumakas.
Nadala pa sa ospital ang biktima ngunit binawian din ang buhay.
Batay sa mga kaanak ng e-bike rider, may hinatid lang na pasahero ang biktima bago ang pamamaril.
Tinitingang motibo sa krimen ang kasong murder na dati nang kinasangkutan ng biktima.
May persons of interest na ang mga awtoridad. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News