Isang negosyante na bumili lang ng pagkain ang namatay matapos siyang pagbabarilin ng mga nang-holdap sa kaniya sa Santa Maria, Bulacan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa CCTV footage na huminto ang dalawang motorsiklo sa isang gasolinahan malapit sa tindahan kung saan bumibili ng burger ang biktima sa Barangay Bagbagin.

Bumaba ang mga angkas sa dalawang motorsiklo at lumapit sa biktima.

Isa sa mga salarin ang umagaw sa bag ng biktima, na siya namang nakipagpambuno sa mga kawatan.

Habang ang isang salarin, sumakay naman sa motorsiklo ng biktima at pinaandar. 

Pero itinulak ng biktima ang kawatang sumakay sa kaniyang motorsiklo. Doon na siya binaril ng salarin na umagaw sa kaniyang bag.

Nakatakas ang mga salarin, habang idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima.

May lead na ang mga imbestigador kung sino ang mga suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News