Sugatan ang 23 katao, kabilang ang isang mag-ina na malubhang nasaktan, makaraang bumangga ang isang Sports Utility Vehicle (SUV) sa isang van na mga turista ang sakay sa La Union. Ang driver ng SUV, 13-anyos na dalagita.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes,  sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa bahagi ng Barangay Ili Sur sa San Juan, La Union, nitong Linggo ng hapon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, umagaw umano ng linya ang SUV sa pakurbadang daan kaya nito nabangga ang van na may sakay na mga turista na patungong norte.

Ayon pa sa awtoridad, itinakas lang umano ng dalagita ang SUV mula sa kanilang bahay.

Kabilang ang dalagita sa mga nasugatan, pati na ang isang sakay niya na menor de edad rin.

Nasa kustodiya ng City Social Welfare and Development ang dalagitang driver. Habang sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga nasangkot sa sakuna, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News