Isang 23-anyos na babae na nakatakdang magtapos sa kolehiyo sa susunod na buwan ang natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Jezel Anne Gonzales, residente ng Barangay Pugaro.

Mag-isa umanong natulog sa kanilang lumang bahay ang biktima, pero nagtaka ang ina nito na si Maria, na hindi siya lumalabas ng bahay kahit 6:00 pm na nitong Martes.

Nang puntahan ang anak, sinabi ng ginang na nakita niya ang biktima na nakataob sa sahig at may takip ng kumot.

Magulo umano ang buhok at namamaga ang mukha ng anak nang makita ng ina.

Ayon kay Police Captain Joy Salvador, Duty Officer, Dagupan City Police Station, may nakitang injury sa nguso at leeg ng biktima.

Posible umanong sinakal at sinuntok ang biktima.

Wala pang suspek ang mga awtoridad pero may person of interest na umano sila.

Hinihintay rin ang resulta ng awtopsiya sa bangkay ng biktima para malaman ang dahilan ng pagkamatay nito.

Hustisya naman ang panawagan ng ginang para sa kaniyang anak na nagtapos sa kursong hospitality management, at sa susunod na buwan sana ang graduation ceremony.—FRJ, GMA Integrated News