Nasawi ang isang 22-anyos na lalaki matapos siyang pagsasaksakin nang bumisita siya sa lugar ng suspek sa Binmaley, Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Stevenson Rosario, residente ng Barangay Ambuetel sa bayan ng Calasiao.

Naaresto naman ang 21-anyos na suspek na si Luis Dave Lagatao, na residente ng Barangay Parayao, sa bayan ng Binmaley, at nahaharap sa reklamong homicide.

Nangyari ang krimen noong gabi ng Sabado kung saan nakita sa isang video footage na binuhat at isinakay sa sasakyan ang biktima para dalhin sa ospital.

Pero binawian din siya ng buhay habang ginagamot dahil sa tinamo niyang tatlong saksak sa katawan.

Ayon kay Police Captain Maureen Grace Tarlit, Duty Officer ng Binmaley Police Station, nagkasagutan ang suspek at biktima na humantong sa malagim na krimen.

Hustisya ang panawagan ng pamilya ng biktima.

Sinubukan na makuhanan ng pahayag ang nakadetineng suspek pero hindi na umano pumayag ang mga kaanak nito, ayon sa ulat. – FRJ, GMA Integrated News