Kalunos-lunos ang sinapit ng isang sanggol na tatlong araw pa lang na isinisilang matapos siyang maipit sa kadena at gulong ng motorsiklo sa Tagkawayan, Quezon.

Sa ulat ng GTV News State of the Nation nitong Miyerkoles, sinabing iuuwi na sana sa Del Gallego, Camarines Sur ang sanggol mula sa ospital kaninang hapon.

Ayon sa pulisya, ibinalot sa kumot ang sanggol na hawak ng kaniyang ina na nakaangkas sa motorsiklo, na minamaneho ng live-in partner ng ginang.

Habang nasa biyahe, hindi umano napansin na lumaylay ang kumot at sumabit sa kadena.

Kasama sa kumot na nahila ng kadena ang sanggol at naipit sa gulong.

Humingi ng tulong ang mag-live in partner pero hindi naging madali ang pagsagip sa sanggol, na hindi na umabot nang buhay nang madala sa ospital. – FRJ, GMA Integrated News