Patay ang isang lalaki na lasing umano matapos siyang maligo sa dagat ngunit nalunod sa Iloilo City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang video footage nang lumusong sa dagat ang lalaki.

Ilang saglit pa, lumayo ang lalaki nang ilang metro, ngunit hindi na ito nakunan ng camera.

Hanggang sa nabigo ang lalaki na makaahon sa tubig, ayon sa mga taga-barangay.

Nakita na lamang ang kaniyang katawan makaraan ang dalawang oras.

Natukoy na ang pagkakakilanlan ng lalaki, na residente ng Hamtic, Antique.

Patuloy na hinahanap ang pamilya ng nasawing biktima. – Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News