Dinakip ng mga pulis ang isang buntis dahil sa pagbebenta umano ng mga sensitibong larawan at video sa Mabalacat, Pampanga. Kasama sa kaniyang mga biktima, ang mismong sariling anak na 3-anyos at dalagitang kapatid.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang pag-aresto sa buntis sa kanilang bahay noong Miyerkoles, at kinuha ng social worker ang bata.

Inilalako umano ng buntis ang mga sensitibong larawan at video ng anak via online, kasama ng iba pang menor de edad.

“Ito 'yung mga nude pictures nilang mag-ina. Madalas niyang ibigay is ‘yung sariling anak,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Armelina Manalo, Chief ng PNP-WCPC Luzon Field Unit.

Sinagip din ng mga awtoridad ang 14-anyos na kapatid ng babaeng buntis, at inaalam din ang iba pa niyang kamag-anak na ibinugaw din niya rin online.

Sinabi ng pulisya, na mga dayuhan ang karaniwang parokyano ng suspek na

hindi bababa sa P2,000 ang singil ng suspek, depende sa nilalaman ng litrato o video.

"Mga foreign national...na maaaring maka-access through online at… mayroong pera na puwedeng pambili nitong ganitong images o kaya video,” sabi ni Police Brigadier General. Portia Manalad, Chief ng PNP Women And Children Protection Center.

"Sa BJMP, mayroon silang tugon o tamang pangangalaga sa mga ganitong kaso. Dito sa amin sa WCPC, makakaasa rin na kung ano 'yung nararapat na pangangalaga... ay maibibigay sa kaniya,” dagdag ni Manalad.

Hindi na nagbigay pa ng pahayag ang buntis sa harap ng camera.

“The usual reason kung bakit talaga ginagawa ito is to demand for their basic needs, lalo na 3 years old lang 'yung bata at siya ay 5 months na pregnant. Yun 'yung mga sinasabi niya during that time na in-arrest namin siya,” sabi ni Manalo.

Reklamong paglabag sa mga batas kontra online sexual abuse and exploitation of children at trafficking in persons, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act ang mga kahaharapin ng suspek.—Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News